Kahirapan, Kamangmangan at Katamaran

Kahirapan, Kamangmangan at Katamaran.

(Mula sa Diary ng Pagbabalik ng modernong Juan Crisostomo Ibarra)

image lifted from https://youronevoicecanmakeadifference.wordpress.com
image lifted from https://youronevoicecanmakeadifference.wordpress.com

Mula nung nakita ko ang epekto ng krisis pampinansyal sa Europa, partikular sa mga ordinaryong mamamayan ng Gresya, nagbago ng tuluyan ang pananaw ko sa pera at sa tinatawag na “pinansyal na seguridad”.

Bagamat ang Inflation rate ngayon ay 1.2%, ang pinakamababang inflation rate ng Pilipinas sa nakalipas na dalawampung taon, nakita kong hindi pa rin malayong mangyari sa mga kapwa ko Pilipino ang nangyari sa mga Griego. Ang mababang Inflation rate at mataas na GDP ay hindi nararamdaman ni naiintindihan ng karaniwang pinoy.

Nabagabag ang loob ko lalo na nang mapagtanto kong karamihan sa mga anak ni Juan dela Cruz ay limitado ang nalalaman sa tamang pamamahala ng salapi. Walang nagpaliwanag sa kanila ng mga ibang alternatibo sa pagpapalago ng pera maliban sa savings at time-deposit. Napakaliit na porsyento ng mga Pinoy ang nakakaunawa sa konsepto ng stock market, government bonds, UITF, mutual funds, treasury bills, atbp. — mga bagay na kung mauunawaan sana ay higit na magpapatatag sa pinansyal na kalalagayan at magbibigay ng seguridad sa hinaharap.

Idagdag pa dito ang malawakang pagtangkilik sa “underdog poor mentality”; ang wala sa lugar na paniniwalang “kapag mayaman, gahaman”, o ang baluktot na pagiisip na ang labis na kayamanan ay nagiging handlang para makapasok sa langit. Bagamat totoong “mabuti pang maging mahirap ngunit marangal”, pero hindi nangangahulugang ang kahirapan ay karangalan. Hangal! Hindi lahat ng marangal ay naghihirap. At hindi lahat ng mahirap ay nabubuhay ng marangal. Ang katagang ‘kapit sa patalim’ ay hindi nabuo ng wala-wala lang.

Kaya naman may ilan sa mga kababayan natin ay madaling maloko sa mga networking scams at get rich quick schemes, at ang karamihan naman ay nakukuntentong isinisisi sa bulok na sistema ng gobyerno at lantarang pangungurakot — na kung susuriin ay tayo rin naman ang may kagagawan. Hinayaan natin silang abusuhin ang ating kamangmangan. Nanatili tayong mangmang dahil walang nagmamalasakit gamutin ang kamangmangang tila salot na kumakain sa maliliit na miyembro ng lipunan. Hindi na bago sa atin ang mga ito. Bumabalik lamang sa atin ang bunga ng mga bagay ng nakaraan. Inuulit ng kasaysayan ang kanyang sarili.

FILIPINOS ARE NOT STUPID. Pero hindi rin natin gusto ang maging intelektuwal. Na tila ba kultura na natin ang maging Average Juan sa sariling bayan. IN ANG MAGING PANGKARANIWAN, Awkward ang magpapakita ng talino. Iyan ba ang depinisyon natin ng pagkakapantay-pantay? Na kung nagdurusa ang iba, ganun din dapat ang lahat, kahit pa nga nagdurusa ang iba dahil sa katamaran at kawalang ambisyon?Hanggang kailan ka mananatiling talangka? Huwag mong hangaring maging pare-pareho tayong nagtitiis sa kahabag-habag na kalalagayan. (Kahit pa nga tila kuntento na sa kahirapan ang ilan.)

Kaya nagpasya akong bumalik ng Pilipinas, sa kabila ng katotohanang di hamak na mas komportable ang buhay ko ngayon sa labas ng arkipelago. Nais kong tumulong. Kailangan kong tumulong. Hindi kaya ng gobyerno ang lahat. Isang adbokasiya ang nabuo sa isip ko: Community empowerment. Magsisimula ako sa komunidad. Sa mga kabataan, sa mga bagong graduate, sa mga uring manggagawa. Minsan ko nang nagawa, kailangan ko lang ipagpatuloy.

Hindi ko sinasabing umaasa akong masosolusyunan ko mag-isa ang talamak na kahirapan ng bansa. Kahangalan. Kung mga nasa gobyerno nga hindi magawa, ako pa kaya? Pero hindi rin ibig sabihin wala na akong gagawin at ipagpapasa-Diyos ang lahat. Dahil sa praktikal na pananaw, aanhin mo ang pananampalataya kung di naman sasamahan ng gawa.

Leave a comment